Di kumpleto ang pagpunta mo sa Sigay, Ilocos Sur kung di mo matitikman ang kanilang Robusta Coffee. Pero hindi rin naman kumpleto ang kape kung wala ang ka partner nito, kanilang “binagkal”.
Binagkal ang tawag nila sa kanilang pinaka popular na kakanin. Suman sa mga tagalog, sinuman sa lowland Ilocandia. Pinagsama-samang malagkit, gata ng niog at asukal na pula.
Sa Brgy.San Elias, isa ang 64 anyos na Marietta Lorenzo sa mga matagal ng gumagawa ng binagkal. Aniya, bahagi na ng kanilang kultura’t pamumuhay ang kakaning ito. Tuwing panahon ng pagtatanim sa bukirin o kaya’y anihan, ito ang meryenda ng magsasaka. Tuwing mahal na araw, pa siyam, o may espesyal na okasion sa lugar nila tulad ng selebrasion sa kaarawan, hindi nawawala ang binagkal sa kanilang handaan.
Si Aling Marietta narin ang gumagawa kapag may mga order ang munisipio para sa kanilang mga bisita. Ang mga kinikita niya rito ang siyang pinantutustos sa araw-araw nilang pangangailangan. Nakatulong rin ito upang mapagtapos niya ang kanyang anak bilang isang seaman.
Naniniwala si Aling Marietta na mas sumasarap ang kanilang kakanin dahil sa magandang kalidad ng kanilang organic ‘malagkit rice’ at ang pagmamahal na inilalaan niya rito tuwing siya’y nagluluto. Ito aniya ang turo ng kanyang mga ninuno.
Kayat sa pag-akyat sa bayan ng Sigay, huwag kalilimutang tikman ang kanilang binagkal, habang humihigop ng kanilang masarap na kape. (Project Lift Media)
Photos by Michael P Escobar