Maraming bisita ang nagtatanong kung bakit pa kailangan ng tour guide kapag bumibisita sa Aw-asen Falls. May ilan na nagsasabi na alam na nila ang daan o ilang beses na silang nakapunta. Ngunit ang totoo, napakahalaga pa rin ng presensya ng mga tour guide.


📌Una, kaligtasan. Ang daan papunta at pabalik mula sa falls ay hindi basta-basta. May mga matarik at madulas na parte na maaaring magdulot ng aksidente. Paano kung mahirapan ka makabalik paakyat? O kung may mangyari sa’yo sa daan? Ang tour guide ang unang tutulong at aalalay sa iyo.


📌Ikalawa, gabayan at kasama. Para sa mga first-time visitors, ang guide ang nagsisilbing partner mo sa buong biyahe. Sila ang magpapadali ng lakad, magbibigay ng impormasyon tungkol sa lugar, at magpapakita ng tamang daan upang hindi ka maligaw.


📌Ikatlo, serbisyo at suporta. Hindi lang sila gabay sa kalsada, sila rin ang taga-kuha ng litrato, taga-bitbit ng gamit kung kinakailangan, at kasama mong magbibigay saya sa biyahe.


📌At panghuli, respeto at suporta sa lokal na komunidad. Ang bayad sa tour guide ay hindi lang basta gastos, kundi bahagi ng suporta sa mga taong nagbabantay at nagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa Aw-asen Falls. Kung sinasabi natin na wala tayong budget para sa guide, tanungin natin ang ating sarili: bakit pa tayo pupunta kung hindi rin natin kayang suportahan ang mga lokal na nag-aalaga sa lugar na ating pinapasyalan?


✅Sa madaling salita, ang tour guide ay hindi lang simpleng kasama—sila ang ating gabay, alalay, at kaagapay para mas maging ligtas, masaya, at makabuluhan ang ating pagbisita sa Aw-asen Falls.


Sa mga gustong tuklasin ang Aw-asen Falls, makipag ugnayan lang po sa Sigay Tourism or kay Sir Bal Quitor.